-- Advertisements --

Umapela ang kampo ng mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero sa Department of Justice (DOJ) na makasuhan ang mga kabilang sa tinatawag na “Alpha Group.”

Sa motion for partial reconsideration na inihain ng mga complainant, nais mapasama ng mga kamag-anak ng mga biktima na makasuhan ng kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention ang nasa 39 na personalidad.

Kabilang dito ang aktres na si Gretchen Barretto, kasama ang mga anak ng negosyanteng si Atong Ang at police officials gaya nina Ret. PLT. Jonnel C. Estomo at PCol. Jacinto Rodriguez Malinao, Jr.

Iginiit ng complainants na ang mga aksiyon ng lahat ng respondents ay nagpapakita ng “prima facie case of special complex crime” o mayroong sapat at matibay na inisyal na ebidensiya na nangyari ang isang krimen kung saan magkasabay na nangyari ang dalawa o higit pang mabibigat na paglabag sa batas at may makatwirang katiyakang nagawa ng mga suspek ang krimen dahilan para ituloy ang kaso sa hukuman.

Naniniwala rin ang kamag-anak ng missing sabungeros na mayroong nangyaring sabwatan kayat kailangan lahat ng sangkot ay managot.

Matatandaan, nauna ng kinasuhan ang negosyante at itinuturong umano’y utak sa pagkawala at pagkamatay ng mga sabungero na si Atong Ang ng kasong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention noong Disyembre 19.