-- Advertisements --

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinag-utos ngayon ni PNP Chief General Debold Sinas na sibakin ang lahat ng police personnel na kabilang sa nagsagawa ng madugong anti-illegal drugs operation na ikinasawi ng “nanlabang” sinasabing drug pusher sa Purok 4, Brgy. Batangan, Valencia City, Bukidnon.

Una rito, pumasok na ang PNP Internal Affairs Service sa imbestigasyon upang alamin ang posibleng operation lapses na isinagawa ng Valencia City Police Station kasama ang back-up special units para hulihin sana ang suspek na si Pol Estañol subalit namatay dahil nanlaban umano sa kasagsagan ng operasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Police Regional Office (PRO)-10 Director, BGen. Rolando Anduyan na tinawagan daw siya mismo ni Sinas upang ipabatid na hindi nito kukunsintihin ang pulis na si Cpl. Benzon Gonzales na kumuha ng .38-caliber na baril na ipinapaputok nito nang tatlong beses at inilagay sa tabi ni Estañol.

Inihayag ni Anduyan na mayroon nang inisyal na resulta ng imbestigasyon ang IAS at sapat na itong basehan upang sibakin sa kanilang mga trabaho ang mga pulis na nasangkot at ipa-report sa holding unit ng Camp Alagar na nakabase sa Cagayan de Oro City.

Una nang ikinatwiran ng Valencia City PNP na nadala lamang umano ng emosyon si Gonzales kaya naipaputok ang baril subalit sa hiwalay na paliwanag naman ng PRO-10 ay “isolated case” lamang ang pangyayari.

-- Advertisement --