-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nagtala ng tatlong katao ang nasawi sa mga nangyaring ‘urban flooding’ sa ilang bahagi ng Northern Mindanao region.

Epekto ito ng mga pagkalunod dahil sa mga biglaang pagbaha sa ilang mga ilog dala ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na ilang linggo nang tumama sa mga rehiyon ng Mindanao.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni retired Army Col. Gilbert Conde, assistant regional director ng Office of the Civil Defense 10 na kabilang sa mga nasawi ay sina Hontrado Plata ng Brgy Tumpagon na sinalubong ang tubig-baha at Wilfredo Manggubat na tinangay ng malakas na agos ng tubig matapos nailigtas ang isang motoristang babaye sa Brgy Cugman na lahat sakop ng Cagayan de Oro.

Samantala ang isa naman ay nagmula sa bayan ng Sapad,Lanao del Norte kung saan isa sa mga seryosong apektado ng ITCZ.

Maliban sa mga nasawi, nailikas rin ang higit 400 na pamilya dahil sobra 100 kabahayan ang pinasok ng tubig-baha at sinira mula sa ilang bayan ng Misamis Oriental at Misamis Occidental.

Bagamat hindi gaano kalakihan ang danyos ng agrikultura dahil higit 35 ektarya ng mga sakahan ng rehiyon ang napasok ng baha at nagtala ng danyos na higit isang milyong piso lamang.