-- Advertisements --

Dumami ang namataang mga barko ng China sa West Philippine Sea noong nakalipas na buwan ng Hunyo.

Base sa monitoring ng Philippine Navy, iniulat ni Navy spokesperson for WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na kabuuang 49 na mga barko ng China ang namataan sa ilang features sa WPS kabilang na sa Bajo de Masinloc, Ayungin Shoal, at Pagasa Island.

Ang mga ito ay labas masok aniya sa nasabing maritime features ng PH.

Ito naman ang pinakamataas na bilang ng Chinese vessels na naitala sa WPS kumpara sa mga nakalipas na limang buwan ng kasalukuyang taon na nasa pagitan ng 11 at 41 mga barko ang namataan sa lugar.

Ayon kay Rear Adm. Trinidad, walang direktang batayan kung bakit tumaas ang bilang ng mga barko ng China sa WPS subalit maaari aniyang dahil sa panahon, deployment cycle, maintenance at repair.

Sa kabila nito, nananatiling alerto sa sitwasyon ang Hukbong Dagat ng Pilipinas at tiniyak ang patuloy na pagpapakita ng pinaigting na pagmamatyag at presensiya sa maritime domain ng ating bansa.