-- Advertisements --
manila council

Naghahanda na ang mga otoridad sa pagpapatupad ng metro-wide curfew sa Metro Manila kasabay ng pangamba sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, napagkasunduan daw ng Metro Manila Council na irekomenda ang pagpasa ng resolusyon para sa ipatutupad na curfew.

Epektibo ito alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw at magtatagal ito hanggang Abril 14.

Nilinaw naman ni DILG Sec. Eduardo Año na baka sa Lunes na maipapatupad ang curfew dahil kailangan munang magpasa ng mga local ordinances ang mga konseho ng mga siyudad sa Metro Manila bago ang implementasyon.

Ito rin naman naging posisyon nina DOJ Sec. Menardo Guevarra at DILG spokesman at Usec. Jonathan Malaya.

Una nang sinabi ni GM Garcia na mayroon namang exemption ang naturang curfew hours at hindi kasama rito ang mga employees, supply chains at ang mga bibili ng pagkain at gamot.

Ang mga itinuturing namang non-essentials na mga aktibidad ay mahigpit na ipagbabawal gaya nang pagbisita sa mga kaibigan, pamilya, pupunta sa mga parties at gimmicks.

Aminda ito na hindi rin naman nila aarestuhin ang aabutan ng curfew dahil sisitahin lamang at pagbabawalan na palaboy laboy sa kalsada. (with reports from Bombo Jerald Ulep)