-- Advertisements --

Aminado si Education Secretary Sonny Angara na may naging pagkukulang sa implementasyon ng Senior High School (SHS) curriculum sa ilalim ng K to 12 program, ngunit iginiit niyang ang Kongreso lamang ang may kapangyarihang magpasya kung ipagpapatuloy pa ito o hindi.

Ito ay kasunod ng panukalang batas na inihain ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na layong alisin ang SHS, dahil umano sa kabiguang makamit ang layuning makapag-prodyus ng mga job-ready na graduates ang programa.12 taon matapos ipasa ang Republic Act No. 10533 o Enhanced Basic Education Act of 2013.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 3001 ni Estrada, iminungkahi nito na ibalik sa kindergarten, anim na taon sa elementary, at apat na taon sa high school kung saan walang SHS.

Samantala ayon kay Angara, simula School Year 2025–2026, magsasagawa na ang Department of Education (DepEd) ng pilot implementation ng bagong SHS curriculum sa 841 paaralan. Ayon sa kanya, “hindi maganda” ang naging implementasyon ng SHS sa nakaraang dekada dahil sa sobrang dami ng mga asignatura at kawalan ng kalayaan ng mga estudyante sa pagpili ng kanilang mga subject.

Una na rito, binigyang-diin ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat tuparin ng K to 12 program ang orihinal nitong layunin na paikliin ang college education sa pamamagitan ng pagbawas sa mga inuulit na subjects sa kolehiyo.