-- Advertisements --

Nakapagsumite na ng ika-pitong batch ng ebidensya ang International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crime against humanity dahil sa umano’y madugong kampanya ng ‘war on drugs.’

Nabatid na noong Mayo 30, isinumite ng prosekusyon ang karagdagang 129 items, bukod pa sa 267 ebidensya na naipasa simula nang magsimula ang disclosure period noong Abril 30.

Ayon kay ICC Prosecutor Karim Khan, na pansamantalang naka-leave habang iniimbestigahan sa umano’y misconduct, nasa 130,000 ang kabuuang bilang ng dokumento sa kanilang relativity database na kailangang repasuhin bago tuluyang isiwalat.

May deadline hanggang Hulyo 1 ang prosekusyon para maisumite ang lahat ng ebidensyang gagamitin sa nakatakdang hearing sa Setyembre 23.

Maalalang si Duterte ay naaresto noong Marso 11 sa bisa ng international warrant sa kasong crimes against humanity. Ayon sa mga grupo ng karapatang pantao, mahigit 30,000 katao ang napatay sa ilalim ng kanyang anti-drug campaign.

Sa kabilang banda kasalukuyan paring nakapiit si Duterte sa head quarters ng ICC sa The Hague, Netherlands.

Mababatid pa na noong Mayo, ibinasura ng ICC ang kahilingan ng kampo ni Duterte na madiskwalipika ang dalawang ICC judges na humahawak sa kanyang kaso.