Ipinaliwanag ng Duterte Youth party-list na ang umanoy paggamit ng ibang apelyido ng kanilang 1st nominee na si Drixie Cardema ay para sa name recall. Para naman sa Commission on Elections, gumugulong na ang imbestigasyon para dito ng Law Department.
Dinepensahan ni Ronald Cardema, Chairman ng Duterte Youth, ang alegasyong binabato sa kanilang 1st nominee na si Drixie Cardema na ibang paggamit ng apelyiido para sa kanyang Certificate of Nominations and Acceptance para sa 2025 Midterm Elections.
Ayon kasi sa pagsusuri, ang tunay na pangalan umano ng nominee ng Duterte Youth ay Drixie Mae Suarez at hindi Cardema. Siya kasi ay kapatid ng asawa ni Ronald Cardema, ibig-sabihin hipag siya nito.
Sinabi ni Cardema na ang lahat ng kongresista at senador ay pormal na humihiling umano sa kamara at senado ng mga political names na nais nilang gamitin sa buong termino nila dahil ang “name recall” ay mahalaga sa politiko.
Para naman sa Commission on Elections (COMELEC), nakatakda nang maglabas ng motu proprio show cause order ang Law Department ng COMELEC laban sa unang nominado ng Duterte Youth dahil umano sa paggamit ng ibang apelyido sa kanyang Certificate of Nominations and Acceptance.
Nilinaw naman ni Garcia na hindi nito maaapektuhan ang nominasyon at posibleng proklamasyon ni Drixie dahil wala pang pormal na petisyong isinusumite para sa pagkansela ng kanyang nominasyon.
Ayon pa kay Garcia, sisiyasatin din ng poll body ang mga opisyal na dokumentong isinumite ni Drixie Cardema nang siya ay maghain ng kandidatura para sa 2025 National and Local Elections, pati na rin ang kanyang mga dating records.
Matatandaang pumangalawa ang Duterte Youth sa party-list race para sa Eleksyon 2025, na nakakuha ng 2.3 milyong boto. Gayunpaman, ipinagpaliban ng COMELEC, na umuupo bilang National Board of Canvassers, ang kanilang proklamasyon dahil sa mga nakabinbing kaso.