-- Advertisements --

Nakatakdang humarap muli sa korte si dating Negros Oriental Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. sa kanyang kinakaharap pang mga kaso buhat ng ito’y maaresto at mapabalik na sa bansa.

Kung saan nakaskedyul ang kanyang susunod na gaganaping arraignment o pagbasa ng sakdal sa susunod na linggo, ika-sampu ng Hunyo sa kasalukuyang taon.

Ito mismo ang kinumpirma at nilinaw ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio kaya’t inihayag nito ang kanilang kahandaan upang madepensahan ang kliyente sa mga akusasyong kinasasangkutan.

Ang panibagong skedyul ng pagdinig sa kaso ng dating kongresista ay gaganapin sa Manila Regional Trial Court Branch 51 sa ganap na alas dos ng hapon.

Inaasahan na patungkol ito sa kinasasangkutan ni Arnie Teves Jr. na kaso ng pagpaslang na sinapit ni dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at ilan pang biktima noong 2023.

Kaya’t dahil dito, inihayag pa ng kanyang legal counsel ang pagsunod sa kagustuhan ng korte kung ipag-uutos nito na dumalo ng pisikal ang dating kongresista.

Maalala kasi na nitong nakaraan lamang ay mayroong mosyon ang kanilang kampo na gawing video conference na lamang ang pagdalo nito sa kanyang mga arraignments.

Ito anila’y para sa kapakanan ng kanilang kliyente lalo sa seguridad at kaligtasan pa ng buhay nito.

Paliwanag pa ni Atty. Ferdinand Topacio na ang ganitong uri ng pagdalo ay hindi naman ipinagbabawal at maaring pahintulutan ng hukuman kung nanaisin nito.

Samantala sa panibagong ulat hinggil rito, kinumpirma naman ni National Bureau of Investigation Chief Jaime B. Santiago na hindi na haharap ng pisikal ang naturang dating kongresista.

Subalit ito’y nakskedyul na dumalo sa nakatakdang susunod na pagdinig ng mga kaso nito sa pamamagitan ng video conference na lamang.

Kaya’t inaasahan na ipepresinta pa rin nito ang kanyang sarili sa pagbasa ng sakdal sa darating na Martes, June 10, 2025.