Sineguro ng National Bureau of Investigation (NBI) na bantay sarado umano nila ang ngayo’y nakakulong sa kanilang detention facility sa lungsod ng Muntinlupa na si former Congressman Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr.
Ito ang naging pagtitiyak ng naturang kawanihan hinggil sa usapin ng seguridad at pagbabantay sa naturang akusado na sangkot sa mga kasong mabibigat na may kinalaman lalo na sa pagpatay.
Kinumpirma mismo ng kasalukuyang direktor ng National Bureau of Investigation na si Retired Judge Jaime B. Santiago na kanilang mahigpit na binabantayan ang dating kongresista habang nasa kanila pang pangangalaga.
Kung saan naka-monitor raw ang mga tauhan nito 24 oras, maseguro lamang ang seguridad upang maiwasan ang mga di’ kanais-nais na posibleng maganap o mangyari.
Ngunit gayunpaman, sa kabila ng mga paghihigpit na ito, tiniyak naman ng naturang direktor ng kawanihan na igagalang nito ang mga karapatan ng nakakulong dating kongresista.
Direktiba niya umano ito sa kanyang mga tauhan na ingatan, at proteksyunan upang hindi makaranas ng pananakit sa loob ng kanilang detention facility.
Samantala, bunsod naman ng inilabas na ‘commitment order’ ng Manila Regional Trial Court Branch 12 na ilipat ang dating kongresista tungo Manila City Jail, mariin namang pinanindigan ng kanyang kampo ang inihain nilang mosyon sa korte.
Giit kasi ng abogadong si Atty. Ferdinand Topacio na mayroong ‘security concern’ o pangamba sa seguridad ng buhay ng dating kongresista kaya’t tutol umano sila sa kautusang mailipat ito ng kustodiya.
Kaya’t maisa pang ulit nilang papaninindigan umano ang kanilang ‘motion for reconsideration’ sa korte upang mapanatili na lamang si former Congressman Arnie Teves Jr. sa detention facility ng National Bureau of Investigation sa lungsod ng Muntinlupa.
Ang naturang dating kongresista ay nahaharap sa mga patung-patong na kasong inihain sa magkakahiwalay na korte sa bansa.
Kung saan kinakakaharap nito ang mga kasong may kinalaman sa illegal possession of explosives, illegal possession of firearms at iba pa.
Nasasangkot din siya sa kasong pagpatay dahil itinuturo umano itong ‘mastermind’ sa likod ng pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.