Nananatiling nasa kritikal na kalagayan ang sikat na komedyante na si Gil Aducal Morales o mas kilala bilang Ate Gay simula nang maisugod ito sa emergency room ng Asian Hospital nitong Oktubre 17.
Ito’y matapos itong makaranas ng septic shock at acute respiratory failure secondary to pneumonia — isang impeksyon na nakakaapekto sa paghinga at blood circulation.
Sa inilabas na pahayag ng pamilya ni Ate Gay nitong Biyernes, kasalukuyan pang nasa Intensive Care Unit (ICU) ang komedyante.
Noon na ring na-diagnose ang komedyante ng mucoepidermoid squamous cell carcinoma, isang pambihirang uri ng cancer.
Ngunit nito lamang Oktubre 29, nakaranas ng stroke ang komedyante at nagtamo ng pinsala sa kanang bahagi ng kaniyang utak.
“Gayunpaman, ipinaalam po sa amin ng kanyang mga doktor nitong Oct. 29 na nagkaroon siya ng pinsala sa kanang bahagi ng kanyang utak dahil sa stroke. Sa kasalukuyan, umaasa pa rin siya sa mga life-support machine upang masuportahan ang mahahalagang function ng kanyang katawan. Nananatili pong kritikal at guarded ang kanyang kondisyon,” saad sa pahayag.
Nanawagan namang muli ang pamilya ng komedyante para sa anumang tulong-pinansyal na maaaring maipabot sa kanila.
Sinubukan na rin anilang humingi ng gabay mula sa mga ahensiya ng gobyerno, charities, at mga pribadong indibidwal upang maipagpatuloy ang pagpapagamot sa komedyante.
“Humihingi rin po kami ng paumanhin dahil patuloy kaming lumalapit at humihingi ng tulong sa inyong lahat,” ani sa pahayag.
Pinasalamatan na rin ng pamilya ni Ate Gay ang mga nagpaabot ng kanilang mga tulong, panalangin, at suporta.














