-- Advertisements --

Ipinaliwanag ng Duterte Youth party-list nitong Biyernes na ang paggamit ng ibang apelyido ng kanilang first nominee na si Drixie Mae Suarez-Cardema ay para sa “name recall” o madaling pagkilala ng pangalan sa politika.

Ayon kay Ronald Cardema, chairperson ng Duterte Youth at asawa ng dating kinatawan na si Ducielle Marie Suarez-Cardema, kapatid ni Drixie si Ducielle, karaniwan daw sa mga mambabatas na gumamit ng political name tuwing simula ng Kongreso.

Maalalang umani ng batikos sa social media ang party-list matapos mapansin na magkaiba ang apelyido ni Drixie sa kanyang Certificate of Nomination (CONA), kung saan diumano’y ginamit niya ang apelyidong “Cardema” sa halip na tunay na apelyido na “Suarez.”

Sinabi naman ni Commission on Election (Comelec) Chairman George Garcia na maglalabas ang kanilang Law Department ng show cause order upang imbestigahan ang paggamit ng ibang apelyido, ngunit nilinaw niyang hindi ito nangangahulugang may kaso ng disqualification o election offense.

Dagdag ni Garcia, titingnan ng Comelec ang mga dokumentong isinumite ni Drixie para sa 2025 midterm elections, pati na rin ang kanyang mga dating record.

Matatandaang pumangalawa ang Duterte Youth sa party-list race nitong Halalan 2025 matapos makakuha ng 2.3 milyong boto. Gayunman, ipinagpaliban ng Comelec ang kanilang pormal na proklamasyon dahil sa mga nakaambang isyu.