Binigyang linaw ng kampo ni former Negros Oriental Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. ang hindi nito pagpasok ng ‘not guilty plea’ sa naganap na arraignments ngayong araw.
Wala kasing inihaing ‘plea’ ang naturang dating kongresista sa pagbasa ng sakdal sa mga kaso nitong may kaugnayan sa ‘illegal possession of firearms’ at ‘illegal possession of explosives’.
Kanina kasi sa isinagawang arraignments para sa mga kasong kinakaharap ni dating Congressman Teves Jr. ay kanyang ininvoke ang karapatan sa pagsambit ng mga katagang ‘I invoke my rights to remain silent’.
Ito mismo ang kanyang naging tugon sa una at makalawang arraignments na parehong isinagawa ngayong araw sa Manila Regional Trial Court Branch 12.
Kaya’t ang korte na ang siyang nagpasok ng ‘not guilty plea’ para sa dating kongresista ng Negros Oriental na si Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr.
Dahil dito ay ipinaliwanag ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio ang naging hakbang ng kanyang kliyente sa naganap na pagbasa ng sakdal.
Aniya’y natural lamang ito at kanila ng inaasahan sapagkat ganito raw ang proseso sa pagbasa ng sakdal kung ang akusado ay bigo o hindi nagpasok ng ‘not guilty plea’.
Dagdag pa ng abugadong si Atty. Ferdinand Topacio na ang implikasyon ng pag-invoke ni dating Congressman Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. ng kanyang karapatang manahimik ay bunsod ng mga katanungan pang nais nilang magkaroon ng kasagutan.
Kung saan, naninindigan pa rin ang kanilang kampo na mayroong iregularidad sa naging pagpapadala kay Teves pabalik ng bansa mula Timor Leste.
Samantala, hinggil naman sa consolidation ng mga kaso ng dating kongresista, inihayag ng kanyang abogado na ito’y aprubado na ng korte.
Kaya’t aniya’y consolidated na ang dalawang kaso nito na ‘illegal possession of explosives’ at ‘illegal possession of firearms’.