-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine Coast Guard ang patuloy na pagpapadala nito ng mga barkong pangdagat sa pinag-aagawang teritoryo na West Philippine Sea.

Hindi umano raw hihinto ang kanilang pangako sa publiko na panatilihin ang presensya at paglalayag sa naturang teritoryo ng Pilipinas.

Ayon mismo kay Commodore Jay Tarriela, spokesperson ng Philippine Coast Guard para sa usaping West Philippine Sea ito’y upang hindi mapigilan ang kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisda na ang ikinabubuhay ay nakasalalay sa naturang bahagi ng karagatan.

Kaya’t asahan raw ang kanilang pagpapadala pa ng mga ‘coast guard vessels’ para maseguro ang kaligtasan at patuloy na operasyon ng pangingisda ng mga lokal sa teritoryong pilit inaangkin ng ibang bansa.

Giit kasi niya na sa nakalipas na mga nagdaang taon, marami ng napaulat na mga insidente ng pangha-harass o panggigipit sa mga Pilipinong nais lamang makapangisda sa dagat ngunit bigong mabigyan ng agarang tulong.

Kaya’t ipinagmalaki ng naturang tagapagsalita na sa panahon ngayon ay iba na sapagkat sa tuwing nakararanas ng ganito ang mga mangingisda ay nariyan ang presensya ng Philippine Coast Guard upang umasiste at maghatid ng rescue sa mga ito.

Paliwanag kasi niya na ito’y binigyang prayoridad ng Philippine Coast Guard lalo na sa deployment ng mga barko nito sa pinag-aagawang teritoryo na West Philippine Sea.

“Ngayon, alam natin na si Pangulong Bongbong Marcos kasama ang Philippine Coast Guard, and the Armed Forces of the Philippines are really committed to deploy our coast guard vessels to ensure the safety and security of our fishermen,” ani Commodore Jay Tarriela (Philippine Coast Guard Spokesperson on West Philippine Sea).

Dagdag pa rito, katuwang aniya nila ang pangulo ng bansa na si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Armed Forces of the Philippines sa pagpapanatili ng kaayusan sa West Philipine Sea.

Suportado raw kasi nila ang ayuning mabantayan at maseguro ang kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda sa naturang teritoryo o bahagi ng karagatan ng Pilipinas.