Hinimok ni Acting Davao City Mayor Sebastian Duterte ang mga supporter ni dating Pang. Rodrigo Duterte na magsama-sama sa The Hague sa Setyembre-23, kasabay ng nakatakdang confirmation of charges hearing ng dating pangulo.
Ito ay upang ipakita ang umano’y pwersa ng Duterte supporters na tuloy-tuloy na sumusuporta sa dating pangulo.
Giit ng alkalde, nagawa ng mga supporter na patunayan nooong 2016 at 2025 Midterm Elections ang lakas at lawak ng supporta sa dating pangulo, kaya’t maaari aniyang ipakitang muli ito kasabay sa nakatakdang hearing.
Kung hahamunin man aniya ang mga supporter na muling gumawa ng demonstrasyon, tatanggapin ito ng mga Duterte supporter at ipapakitang muli ang kanilang pagkakabuklod.
Hinimok ng dating presidential son ang mga supporter na ipaglaban ang dating pangulo, sa pamamagitan ng pagpapakita sa The Hague sa mismong araw ng kaniyang hearing at mapayapang ihayag ang kanilang suporta.
Sa Setyembre-23, isasagawa na ang confirmation of charges hearing sa kaso ni Duterte na crimes against humanity.
Ito ay pangungunahan ng mga pre-trial judge ng International Criminal Court (ICC), at inaasahang magtatagal ng ilang araw.