-- Advertisements --

Umapela si Phivolcs Director Teresito Bacolcol sa mga mamamayan, lalo na sa mga nakararanas na ng tinatawag na “disaster fatigue”, na dagdagan pa ang pag-iingat at pag-unawa sa mga nangyayaring kalamidad.

Batid umano ng ahensya ang pagod at pangamba ng marami dahil sa sunod-sunod na bagyo, baha, lindol, at maging mga sakunang gawa ng tao.

“Alam naming nakakapagod na, pero ang magagawa natin ay maghanda,” ani Bacolcol, sabay paalala na walang nakakaalam kung kailan tatama ang mga kalamidad sa alinmang bahagi ng mundo.

Samantala, nilinaw ng opisyal na hindi konektado ang mga naganap na lindol sa Cebu, La Union, at Davao.

Ayon sa kanya, magkakaibang fault system ang gumalaw kaya’t malabong mag-trigger ang isa’t isa.

Dagdag pa ni Bacolcol, karaniwan na ang mga pagyanig sa Pilipinas, kung saan humigit-kumulang 30 lindol ang naitatala kada araw.

Bagama’t may mga aftershock, kadalasan ay mas mahina ito kumpara sa main quake.