Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) chief General Guillermo Eleazar ang Manila Police District (MPD) na magdagdag ng pulis sa dolomite beach sa Manila Bay.
Ito ay upang tiyakin na nasusunod ang minimum public health safety standard.
Kasama sa utos ni Eleazar ang pakikipag-ugnayan ng mga pulis sa lokal na pamahalaan upang magkaroon ng maayos na sistema, lalo na sa pagdadala ng mga bata na nakita sa video at sa mga litrato na kumalat sa social media.
Ayon kay Eleazar, nauunawan niya ang kasabikan ng ilan nating mga kababayan na lumabas dahil sa mahabang lockdown subalit hindi umano ito dahilan upang ipagsawalang-bahala ang kaligtasan ng bawat isa, lalo na ang mga batang isinama nila.
Matatandaan na kahapon ay pansamantalang ipinatigil ang pagpasok sa Manila Bay matapos ang lalong pagbuhos ng mga namasyal doon.
Siniguro naman ng pamunuan ng Manila Police District na istrikto nilang ipatutupad ang physical distancing sa dolomite beach.
Sinabi ni Eleazar na batay sa kautusan ni DILG Secretary Eduardo Ano, nakatakdang magpulong ang MPD sa mga opisyal ng DENR at LGUs para pag-usapan kung ilan ang capacity sa dolomite beach para ito ang magiging batayan.
Bilang tugon sa direktiba ni PNP chief, tumutulong na rin ang PNP Maritime Group sa pagbabantay at pagbibigay seguridad sa lugar.
Nag-deploy ang Maritime Group ng kanilang mga bike patrollers at maging ang kanilang mga high tactical speedboat.