-- Advertisements --

Isinagawa ngayong araw ang ikalawang preliminary investigation ng Department of Justice ukol sa missing sabungeros case.

Dinaluhan mismo ito ng ilan sa kaanak ng mga nawawalang sabungero, abogado ng magkabilang panig, at kinatawan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group.

Sa naganap na pagdinig ng panel of prosecutors, dito isinumite ng PNP-CIDG ang limang (5) kopya ng USB kaugnay sa missing sabungeros case.

Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Charlie Guhit, ito’y kasunod ng atasan sila ng prosekusyon na ipresenta ito nang hilingin din sa panig ng mga respondents na si Charlie ‘Atong’ Ang.

Bagama’t pinahintulutan ng panel of prosecutors, tumanggi munang ilahad o isapubliko ni Guhit ang patungkol sa nilalaman ng naturang USB.

Habang kasabay naman nito, pormal ng inobliga ng prosekusyon ang mga respondents, kabilang si Charlie ‘Atong’ Ang na humarap sa susunod na preliminary investigation.

Sila’y inatasan ng panel of prosecutors na isumite na rin ang kanilang counter affidavits bilang respondents sa missing sabungeros case.

Ang negosyanteng si Atong Ang at iba pa ay nahaharap sa reklamong multiple murder, at serious illegal detention kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero.

Habang susunod na skedyul naman ng Preliminary Investigation ay itinakda sa ika-3 ng Nobyembre matapos makansela ang unang skedyul na Oktubre 13.