-- Advertisements --

Tila kumalas sa group chat ng 20th Congress Senators si Senadora Imee Marcos.

Ibinahagi ni Marcos sa kanyang post ang patunay ng kanyang pag-alis sa group chat na kinabibilangan ng 23 pang senador. Pasado alas-5 ng hapon siya nag-leave.

Nauna rito, nagkaroon ng sagutan sina Marcos at Senate President Pro Tempore Ping Lacson.

Ayon kay Marcos, nalilito siya dahil may ulat na hindi na umano ipagpapatuloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at maglalabas na lamang ng partial report. 

Dahil dito, tinanong ng senadora kung nagkaroon ba ng pagpupulong ang majority bloc.

Nabanggit din ni Marcos na hindi malinaw sa kanya ang iskedyul ng unang adjournment ng 20th Congress.

Buwelta ni Lacson, mas mabuti sanang dumalo si Marcos sa mga ikinakasa niyang pagdinig kaugnay ng maanomalyang flood control projects upang hindi ito malito.

Dagdag pa ng senador, dapat ding makinig si Marcos sa mga sesyon sa plenaryo at basahin ang mga anunsiyong ipinapadala sa group chat upang manatiling updated.

Giit ni Marcos, tila panggipit lang naman sa mga senador ang laman ng group chat, pagdinig at session sa plenaryo. 

Inaatupag aniya ang siraan na mas malala pa raw sa isang lindol. 

Dahil dito, nanindigan si Marcos na ayaw na niyang manatili sa group chat at nagpasaring pa na tigilan na ang pagmamagaling at pang-aaway.