-- Advertisements --

Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na maari munang bawiin ang subpoena laban kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan kung mapatunayang totoo na humiling ito sa Department of Justice (DOJ) na manatili pa ng isang buwan sa Estados Unidos. 

Ayon kay Lacson, bilang Chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee ay makikipag-ugnayan siya sa DOJ upang beripikahin ang apela ni Bonoan. Kapag napatunayang totoo, pansamantalang iaatras ang subpoena, ngunit kung hindi ito makumpirma, magpapatuloy ang pagsisilbi ng subpoena at mananatili ang posisyon ng komite. 

Dagdag pa ng senador, maaring ipa-contempt si Bonoan kung hindi pinahintulutan na mag-extend ng pananatili sa US at mabigo itong dumalo sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Enero 19, kaugnay parin ng mga umano’y anomalya sa flood control projects. 

Samantala, sinabi naman ni Philippine Ambassador to United States of America Jose Manuel Romualdez na nasa California parin si Bonoan at nangakong babalik sa bansa sa Pebrero 15. Humiling umano ang dating opisyal ng DPWH na manatili pa sa US dahil sa problema ng asawa sa mata. 

Kaugnay nito, sinabi ni Lacson na maaring isaalang-alang ng Blue Ribbon Committee ang dahilan ni Bonoan sa makataong aspeto at hintayin ang kanyang pagbabalik sa Pebrero 15 upang magpaliwanag ng kanyang panig sa pagsumite ng maling grid coordinates sa Malacañang. 

Habang matatandaan naman na nilagdaan na ni Senate President Vicente Sotto III ang subpoena ad testificandum laban kay Bonoan at iba pang indibidwal na nais ding ipatawag ng komite sa susunod na pagdinig.