-- Advertisements --

Nakatakdang paimbestigahan sa Senado ni Senator Imee Marcos ang mga landfill company kung sumusunod ba sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000 kasunod ng mapaminsalang pagguho ng Binaliw Sanitary Landfill sa Cebu City.

Sa Resolusyong inihain ng Senadora nitong Lunes, Enero 12, sisiyatin at tukuyin nito kung ang mga landfill ay sumusunod sa Republic Act No. 9003, o ang Ecological Solid Waste Management Act, pati na rin sa iba pang regulasyon ukol sa operasyon at kaligtasan ng mga sanitary landfill.

Noong Enero 9, matatandaan nalibing ng buhay sa mga toneladang basura ang mga sanitation worker, na ikinamatay ng hindi bababa sa walong (8) katao at nag-iwan ng dose-dosenang iba pang nawawala.

Dahil dito hindi maalis sa mambabatas ang malubhang panganib sa mga manggagawa ang mga pasilidad na kulang sa regulasyon.

Ayon kay Sen. Marcos, titingnan ng imbestigasyon ang posibleng mismanagement, overfilling, at pagkukulang ng regulasyon, pati na rin ang mga ulat na konektado ang pagguho sa 6.9-magnitude na lindol na yumanig sa probinsya noong Setyembre 2025.

Dagdag pa ng mambabatas, layunin din ng imbestigasyon na panagutin ang mga mapapatunayang nagkulang sa insidente, suriin ang bisa ng umiiral na patakaran sa waste management, at itulak ang mas mahigpit na proteksyon para sa mga manggagawa at komunidad.