Sinuportahan ni Deputy Speaker Ronaldo Puno ang pahayag ni Senator Ping Lacson na walang ebidensiyang nag-uugnay kay dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa kontrobersiyal na flood control.
Ayon kay Puno, dapat nakabatay sa malinaw na ebidensiya at due process ang anumang imbestigasyon, hindi sa haka-haka o pampulitikang presyur.
Binigyang-diin ni Puno na malinaw ang sinabi ni Lacson na susundan lamang ng Senado kung saan dadalhin ng ebidensiya ang imbestigasyon.
Tinukoy ni Lacson na walang testigong direktang nagturo kay Romualdez, maliban kay Orly Guteza na hindi pa napapatunayan ang pahayag at nabigong humarap sa mga awtoridad upang patunayan ito sa ilalim ng panunumpa.
Itinanggi rin ni Lacson ang alegasyon ng panggigipit mula sa Malacañang upang pigilan ang imbestigasyon, na ayon kay Puno ay isang patunay ng kanyang integridad.
Nanawagan si Puno sa lahat ng panig na hayaang magpatuloy ang mga imbestigasyon nang patas at walang bahid ng pulitika.
Giit ni Puno dapat ebidensiya at katarungan ang manguna sa pampublikong diskurso, hindi ang pamumulitika.
















