-- Advertisements --

Inutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magtayo ng “tent city” sa Bogo City para pansamantalang matuluyan ang mga residente na nawalan ng tirahan dahil sa malakas na 6.9 magnitude na lindol noong Setyembre 30.

Sa kanyang pagbisita sa Bogo City para personal na tingnan ang mga relief efforts, ipinahayag ng Pangulo ang kanyang pag-aalala sa malawakang pinsala sa mga gusali, na naging dahilan upang matakot ang mga tao na bumalik sa kanilang mga bahay pati na rin sa evacuation centers.

Ayon sa Pangulo, minamadali nila ito ng sa gayon may masilungan ang ating mga kababayan na nawalan ng tirahan.

Sinabi ng Pangulo na gagamitin ng gobyerno ang tulong ng Philippine Red Cross para sa paglalagay ng kanilang medical field tents, na ginamit noong COVID-19 pandemic bilang isolation wards.

Tiniyak ng Pangulo na bibigyan ng kumpletong serbisyo ang mga tirahan sa tent city.

Sisiguraduhin din na may suplay ng pagkain, tubig, at kuryente kung kailangan ng generator at bibigyan anuman ang pangangailangan ng tao.

Pinangako ni Pangulong Marcos ang tuloy-tuloy na suporta ng gobyerno para sa mga apektadong komunidad sa kanilang pagbangon at pag-recover.