Nakukulangan o bitin pa, ganito inilarawan ng kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ang patungkol sa testimonya ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
Ayon mismo kay Justice Secretary Remulla, bitin ang mga testimonya para tumayo sapagkat hindi aniya sapat ang mga ito lamang.
Binigyang diin ng naturang kalihim na dapat kalakip nito ang ilang mga ebidensyang makapagpapatunay na may katotohanan ang impormasyong ibinahagi sa kagawaran.
Sa kasalukuyan, ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ay kabilang sa mga itinuturing na ‘protected witnesses’ ng Department of Justice.
Sa kabila ng pagiging sangkot sa maanomalyang flood control projects, ang mag-asawang Discaya ay isinailalim sa Witness Protection Program ngunit bilang mga probisyonal pa lamang.
Kaya’t upang mapatotohanan ang kanilang mga testimonya, giit ni Justice Sec. Remulla, kinakailangan ding magpresenta ng ‘secondary evidence’.
Ito aniya ay ang mga notes, ledgers, statements at pakikipagtulungan o pagsagot sa mga katanungan ng kagawaran sa nagpapatuloy nitong case buildup.
Dagdag naman ng kalihim, susubukan o gagawa siya ng paraan upang mapakiusapan o mapahintulutan makauwi si Pacifico Discaya
Buhat nito’y aminado si Justice Secretary Remulla na hindi agaran matatapos ang kanilang mga pagsusuri at ebalwasyon sa mga testimonyang nakakalap.
Aniya’y dadaan pa sa proseso at oras o panahon sapagkat pinaniniwalaan posibleng ang isyu ng flood control projects ay siyang pinakamalaking korapsyon sa kasaysayan ng bansa.