Personal na bumisita si Energy Secretary Sharon Garin sa Masbate nitong Martes, Setyembre 30, upang inspeksyunin ang pinsalang idinulot ng Severe Tropical Storm Opong sa mga imprastruktura ng ahensya.
Ayon kay Garin, tinatayang P400 million ang kakailanganin para maibalik ang nasirang mga linya ng kuryente. Kasama niya ang mga opisyal ng National Electrification Administration at National Petroleum Council sa pagtukoy ng lawak ng pinsala.
‘We are moving with urgency, but also with care. Safety remains our top priority for both workers on the ground and the public. Together, we will restore power and restore hope,’ ani Secretary Garin.
Pinuri rin ng kalihim ang mga linemen mula sa iba’t ibang electric cooperatives na tumutulong sa ilalim ng Task Force Kapatid upang unahin ang mga kritikal na pasilidad tulad ng ospital at evacuation centers.
Samantala, nananatiling blackout naman ang Masbate Electric Cooperative (MASELCO), habang 11 iba pang kooperatiba sa iba’t ibang probinsya ang may partial power interruption dahil sa epekto ng bagyong Nando, Opong, at Habagat.