Balik normal operasyon na ang karamihan sa mga paliparan sa ilalim ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Uwan.
Ayon sa ahensya, walang naitalang malaking pinsala sa mga paliparan.
Sa inisyal na inspeksyon, natukoy na limitado lamang ang pinsala sa ilang bubong, kisame, glass panels, at bakod. May ilang lugar na nakaranas ng pagbaha at pansamantalang pagkawala ng kuryente at komunikasyon.
Bukod dito itinaas parin ang flight advisories sa mga paliparan ng Bicol International, Masbate, Naga, Virac, Daet, at Cauayan.
Bukas na rin ang Baguio Airport ngunit nananatiling suspendido ang Visual Flight Rules (VFR) dahil sa mahinang visibility dulot ng patuloy na pag-ulan.
Samantala, nananatiling suspendido ang operasyon sa mga paliparan ng Bulan, Bacon, Sangley, Plaridel, Iba, at Subic.
Ayon kay CAAP Director General Ret. Lt. Gen. Raul Del Rosario, prayoridad pa rin ng ahensya ang kaligtasan ng mga pasahero at mga tauhan. Pinuri rin niya ang mabilis na tugon ng mga airport at emergency teams sa epekto ng bagyo.
Patuloy ang ginagawang monitoring ng ahensya at nananawagan sa publiko na sundan lamang ang mga opisyal na abiso para sa mga pinakabagong update.
















