-- Advertisements --

Naharang ng mga personnel ng Philippine National Police – Maritime Group (PNP-MG) ang isang Malaysian fishing vessel na nangingisda sa katubigang sakop ng Mangsee Island, Balabac, Palawan.

Ang naturang banka ay rehistrado sa isang Malaysian national ngunit ang mga tripulante ay pawang mga Pilipino.

Naharang ito ng mga otoridad habang nagsasagawa ng patrol operations ang mga operatiba ng 2nd Special Operations Unit ng PNP-MG sa naturang katubigan na direktang nakaharap sa West Philippine Sea.

Samantala, kinumpiska rin ng mga otoridad 60kgs na buhay na Lapu-Lapu at 350 kgs na iba’t-ibang uri ng mga isda.

Ang ilan sa mga naturang isda ay ginagamit sa mga aquarium.

Kasama rin sa mga kinumpiska ay ang 15 maliliit na bangkang bahagi ng o ginagamit ng naturang grupo.

Desidido naman ang PNP-MG na magsampa ng kaso laban sa mga nahuling indibidwal, partikular na ang poaching sa ilalim ng Republic Act 10654 o Fisheries Code of the Philippines.