-- Advertisements --

Hinimok ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang Malacañang na palawakin pa ang saklaw ng “Sumbong sa Pangulo” website upang masaklaw hindi lamang ang mga flood control projects, kundi pati na rin ang iba pang maanomalyang infrastructure projects sa buong bansa.

Matapos kasing mabunyag ang mga ghost projects, defective infrastructures at sub-standard facilities, bumaha na rin ang sumbong sa tanggapan ng pamahalaan.

Ayon sa senador, malaki ang naitulong ng website sa pagbubunyag ng ghost projects at sa pagkilala sa 15 contractors na umano’y kumopo ng 20% ng kabuuang halaga ng flood control contracts.

Hiniling niyang isama sa website ang iba pang proyekto tulad ng mga kalsada, tulay, flyovers, at iba pang imprastraktura upang mas mapalawak ang transparency at accountability.

Binanggit din ni Lacson na nagiging inaccessible ang website ng Department of Public Works and Highways (DPWH) tuwing may budget deliberations o kontrobersiyal na isyu, bagay na kanyang pinagdududahan kung sinasadya.

Sa panig ng Malacañang, sinabi ni Undersecretary Claire Castro na malugod na tinanggap ang mungkahi ni Lacson at sinabing bukas ang administrasyon sa anumang impormasyon na makatutulong sa pagbubunyag ng katiwalian sa mga pampublikong proyekto.

Inilunsad noong Agosto 11, 2025, ang “Sumbong sa Pangulo” website ay nagbibigay daan sa publiko na mag-report ng iregularidad sa mga flood control projects.

Sa unang linggo pa lamang, mahigit 2,000 reklamo na ang natanggap ng sistema.

Maaaring makita sa website ang lokasyon, kontratista, halaga, at completion date ng bawat proyekto.