Lumalabas na kaalyado sa pulitika ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kontraktor sa likod ng tinawag ng Presidente na walang silbing proyekto sa may Kennon Road sa Tuba, Benguet.
Base sa records ng Department of Public Works and Highways (DPWH), inilista ng 3K Rock Engineering si engineer Francis Cuyop bilang general manager. Itinatag niya ang naturang construction firm bilang sole proprietor at nagsimula ang operasyon nito noong Enero 27, 2000.
Tumakbo si Cuyop bilang kinatawan ng lone district ng Ifugao noong May 2025 elections subalit natalo siya ni Atty. Solomon Chungalao.
Kumandidato siya sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na pinamumunuan ni Pangulong Marcos.
Subalit, iginiit naman ng punong ehekutibo na walang kaalyado o kalaban sa panibagong crackdown laban sa mga tiwaling opisyal at pribadong mga kontraktor na sangkot sa maanomaliyang flood control projects ng gobyerno.