-- Advertisements --

Napansin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na palaging naglalabas ng kanilang pahayag ang People’s Republic of China (PRC) kada magsasagawa ng Maritime Cooperative Activity (MCA) ang Pilipinas kasama ang mga kalyado nitong bansa.

Tinawag naman ng AFP bilang isang ‘narrative driver’ ang mga sariling aktibidad na ginagawa ng mga barko sa China tuwing mayroong maritime exercises na gnagawa ang Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon naman kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, ang mga naratibong ito ay para agawin ang atensyon ng publiko at maimpluwensyahan ang mga impormasyon na pumabor sa kanila.

Paliwanag pa ni Trinidad, bagamat hindi nila ito direktang ikinokonekta sa mga insidente at kaganapan sa Ayungin Shoal at Bajo de Masinloc na pawang mga aktibidad ng China, patuloy aniyang nakamonitor ang Sandatahang Lakas sa mga maaaring pagbabago sa galw ng pwersa ng China sa ilang bahagi ng WPS.

Samantala, kasalukuyan namang nagpapatuloy ang Alon Exercises ngayong taon sa pagitan ng Pilipinas at Australia bilang bahagi pa rin ng pagpapatibay ng defense ties ng dalawang bansa.

Ang mga pagsasanay naman ay inaasahang magtatagal hanggang sa Agosto 29.