Umalma ang Malacañang sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na ang kanyang pagbiyahe sa ibang bansa ay dahil umano sa frustration ng mga Pilipino abroad sa kalagayan ng bansa.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro na habang nananatili sa Pilipinas ang Pangulo upang ayusin ang mga problema at labanan ang mga anomalya at korupsyon, ang Bise Presidente naman ay madalas lumabas ng bansa para sa personal travel.
Sinabi ni Castro, hindi solusyon sa mga suliranin ng bansa ang madalas na pagbyahe, at wala rin sa Konstitusyon na tungkulin ng Bise Presidente na magtungo sa ibang bansa upang batikusin ang Pangulo o manghikayat ng publiko na patalsikin ito sa puwesto.
Dagdag pa ng Palace Press Officer, kung sakaling matanggal ang Pangulo, ang pangunahing makikinabang dito ay ang Bise Presidente.
Iginiit din nito na ang personal na byahe ay karaniwang may kaakibat na personal na layunin.
Samantala, nagbigay rin ng reasksyon ang Palasyo sa pahayag ng Bise Presidente na handa syang ipaliwanag sa tamang forum ang paggamit ng kanyang confidential funds.
Ayon kay Castro, dapat noon pa lamang ay naipaliwanag na ito sa Commission on Audit (COA) nang maglabas ng Audit Observation Memorandum, at bago pa man umabot sa notice of disallowance.