Naniniwala ang Malacañang na mananatiling matatag ang tiwala ng mga dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas sa kabila ng mga alegasyon ng korapsyon sa ilang proyekto ng imprastraktura.
Sinabi ni Palace Press Officer USec .Claire Castro na ang matibay na paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa katiwalian ay nagbibigay ng katiyakan sa publiko at sa international community na seryoso ang gobyerno sa pagsusulong ng transparency at accountability.
Dagdag pa niya, ang tapang ng Pangulo sa paglantad ng mga iregularidad, kahit pa sa loob ng kanyang administrasyon, ay nagpapakita ng sinseridad ng pamahalaan sa paglilinis ng hanay ng gobyerno.
Binigyang-diin din ng Malacañang na si Pangulong Marcos ang kauna-unahang lider ng bansa na nagpaimbestiga sa mga malawakang anomalya sa mga proyekto ng gobyerno, kahit na ito ay nasa ilalim ng kanyang termino.
Binuo ng Pangulo ang Independent Commission for Infrastructure (ICI)na ang layunin nito imbestigahan ang mga anomalya sa mga flood control at iba pang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa nakalipas na 10 taon, at irekomenda ang mga kaukulang kaso laban sa mga sangkot na opisyal at indibidwal.