Tuluyan nang isinantabi ng Philippine Infradev Holdings Inc. ang multi-billion dollar na Makati Subway System, matapos itong ideklarang hindi na viable dahil sa desisyon ng Korte Suprema na ilipat ang ilang lugar ng Makati City sa Taguig City.
Ayon sa Infradev, hindi na economical at operational ang pagpapatuloy ng subway project sa ilalim ng kasunduan nito sa Makati City, kaya sinimulan na ang arbitration proceedings sa Singapore International Arbitration Centre.
Ang proyekto, na orihinal na may 10 istasyon at hangad na pagaanin ang trapiko sa Makati, ay naapektuhan ng desisyon ng Korte Suprema na idawit ang depot at ilan sa mga terminal sa mga barangay na napunta sa Taguig.
Bagama’t may mga plano itong isama sa MRT3, Pasig River Ferry System, at Metro Manila Mega Subway, nagbabala na ang Infradev noon pang 2023 na maaaring maantala ang proyekto dahil sa desisyon ng hukuman.
Inaasahang makakatulong sana ang subway sa transportasyon ng mahigit 700,000 commuters.