-- Advertisements --

Nakitaan ngayon ng Makati City Prosecution Office ng probable cause para sampahan ng kaso si Gwyneth Chua na kilala ring “Poblacion girl” dahil sa paglabag nito sa mandatory quarantine protocols noong December 2021.

Sa media briefer na inilabas ng korte sa Makati ngayong araw, sinabi ng prosecutor na naghain ito ng resolusyon na petsang Abril 29 at nakasaad dtiong mayroong probable cause para kasuhan si Chua dahil sa paglabag sa RA 11332 na itinakda ng pamahalaan.

Kung maalala naging headline si Chua noong nakaraang taon matapos itong lumabas sa kanyang isolation hotel sa Makati City para makipagkita at makipag-party sa kanyang mga kaibigan sa Poblacion, Makati.

Kinalaunan ay nag-positibo ito sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kabilang din sa kaso si Esteban Gatbonton na security guard ng Berjaya Hotel kung saan nanatili si Chua noong dumating galing Estados Unidos dahil umano sa pagtulong nito para makatakas si Poblacion girl.

Dagdag ng prosecution office na hindi naman daw nakitaan ng probable cause para kasuhan naman ang ilang employees ng naturang hotel.

Ayon sa prosecutor, wala raw silang makita sa mga ebidensiya na may papel ang mga employees sa pagpayag kay Chua na lumabas sa hotel.

Samantala, ang mga reklamo naman laban sa kanyang mga magulang na sina Allan Dabiwong Chua at Gemma Leonordo-Chua maging ang boyfriend nitong si Rico Atienza ay ibinasura ng korte dahil sa kakulangan ng ebidensiya para masampahan din ng parehong kaso.

Naghain noong ang PNP ng reklamo sa ama ni Chua na siyang sumundo kay Gwyneth noong December 22 na parehong araw kung kailan siya dumating mula sa US.

Habang ang kanyang ina naman ang nagdala rito pabalik ng hotel noong Disyembre 25.

Nakipagkita ito sa kanyang boyfriend at kaibigan sa Poblacion, Makati noong Disyembre 23 at noong Disyembre 26 ay dito na nagpositibo si Chua sa nakamamatay na virus.