-- Advertisements --

Patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang epekto ng Bagyong Tino na nakaapekto na sa mahigit 340,000 katao mula sa 1,397 barangay sa mga rehiyon ng MIMAROPA, Bicol, Western at Central Visayas, Eastern Visayas, Caraga, at Negros Island Region, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa Pangulo, agad na isinagawa ang pre-emptive evacuations upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

Sa kasalukuyan, mahigit 175,000 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers sa mga apektadong lugar.

Naka-preposition na ang DSWD ng mga food packs at relief goods na handa nang ipamahagi.

Samantala, tumutugon na ang DOE at NEA sa mga ulat ng power outages, habang ang DPWH at MMDA ay nagpapakilos ng mga clearing teams upang linisin ang mga daan.

Tutungo rin ang ilang miyembro ng Gabinete sa mga pinaka-apektadong probinsya upang personal na alamin ang kalagayan ng mga residente at tiyaking naibabalik agad ang mga pangunahing serbisyo.

Hinikayat din niya ang publiko na manatiling alerto at makinig sa abiso ng mga lokal na opisyal para sa kanilang kaligtasan.