-- Advertisements --

Ipinahayag ng Philippine National Police Academy Alumni Association, Inc. (PNPAAAI) ang kanilang taos-pusong pagbati kay Lakan PMAJ Inar Vic V. Florece, mula sa PNPA Masidlak Class of 2017, matapos itong manguna sa International Police Exchange Program sa Abu Dhabi Police College sa ilalim ng UAE Ministry of Interior.

Natalo ni Florece ang 52 kalahok mula sa 35 bansa, at ipinakita ang kahusayan sa pamumuno, disiplina, at talino, patunay na ang mga Pilipinong pulis na sinanay sa PNPA ay maipagmamalaki at maihahanay sa pinakamahusay sa buong mundo.

Ang natatanging tagumpay na ito ng tubong Bicol na pulis ay nagbigay ng karangalan hindi lamang sa Masidlak Class at sa komunidad ng mga Lakan, kundi maging sa buong Philippine National Police at sa sambayanang Pilipino.

Pinagtitibay din umano nito ang misyon ng PNPA na hubugin ang mga lider na may karakter, kakayahan, at pandaigdigang kahalagahan.

Ayon sa PNPAAAI, ang ipinakitang galing ni Florece ay magsisilbing inspirasyon sa mga susunod na henerasyon ng mga kadete at opisyal upang maglingkod nang may tapang, integridad, at dangal, sa loob man ng bansa o sa pandaigdigang entablado.