Umabot na sa kabuuang P93,639,910.17 unpaid contractors’ tax ang nakulekta ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga contractor ng flood control projects sa national capital.
Lumalabas sa record ng Maynila na 175 flood control project ang nananatiling may tax liabilities na P127,277,404.23.
Ayon kay Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, ito ay mula sa kabuuang 315 proyekto na itinayo at itinatayo sa lungsod mula pa noong 2022 hanggang sa kasalukuyan. Ang nalalabing 140 ay pawang tax compliant na, batay pa rin sa record ng LGU.
Ang paglobo ng mga nakulektang contractors’ tax ay isang lingo mula nang balaan ni Mayor Domagoso ang mga contractor sa naturang lungsod na may pinagsama-samang P247 million unpaid taxes, dahil kung hindi ay i-blacklist na sila ng LGU.
Noong ginawa ng alkalde ang babala, tanging siyam na proyekto lamang ang nakaag-comly na may kabuuang P8.09 million.
Nagpadala ang LGU ng notice sa mga contractor na natukoy na may tax liabilities sa tulong na rin ng binuksan na Sumbong sa Pangulo website at independent flood control monitoring ng Manila City.
Agad namang tumalima ang marami sa mga ito, habang nananatiling walang sagot ang maraming iba pa.