-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) na umabot sa P13.3 billion ang kabuuang halaga ng 43 proyektong pang-imprastruktura na kasalukuyang kinokonsiderang “kritikal” o nanganganib na maantala, o tuluyang hindi matapos.

Ayon kay DEPDev Undersecretary Joseph Capuno, karamihan sa mga problemadong proyekto ay nasa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr).

Dalawa sa mga naturang proyekto ang nasa early warning stage pa lamang, ngunit may halagang aabot na sa P10.8 billion.

Bukod pa rito, iniulat din ng DEPDev na 29 proyekto na pinondohan sa pamamagitan ng Official Development Assistance (ODA) ang may problema sa pondo. Dalawampu’t anim (26) ang may isyu sa right of way at kondisyon ng lupa, habang dalawampu’t lima (25) ang may mga aberya sa procurement, gaya ng failed bidding at kakulangan ng mga interesadong bidder.

Sa kabila ng mga hamong ito, tumaas naman ang kabuuang halaga ng mga aktibong Official Development Assistance projects sa bansa mula $37.3 billion noong 2023 patungo sa $39.6 billion noong nakaraang taon.

Karamihan sa mga bagong proyekto ay nakatuon sa mga flagship infrastructure projects ng administrasyon, kabilang na ang Metro Manila Subway at ang Bataan-Cavite Interlink Bridge.

Nanawagan si DEPDev Secretary Arsenio Balisacan sa mas maayos na paghahanda, koordinasyon, at implementasyon ng mga proyektong ito upang matiyak ang tamang paggamit ng pondo at maabot ang mga target sa ilalim ng national development plan.