Ini-ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na mahigit 1,800 pasahero, truck drivers, at cargo helpers ang na-stranded sa iba’t ibang pantalan sa bansa mula alas-12 ng hatinggabi hanggang ngayong Nobyembre 8, 2025, dahil sa epekto ng Bagyong Uwan.
Sa Region V (Bicol), umabot sa 1,245 katao ang na-stranded sa 10 pantalan kabilang ang Matnog, Virac, at Pilar Port, habang 474 rolling cargoes at 6 vessels ang hindi nakabiyahe. Sa Northeastern Mindanao, 151 rolling cargoes at 4 vessels ang na-stranded sa Lipata Port, habang 2 vessels ang pansamantalang sumilong.
Sa Southern Visayas, 10 katao, 59 cargoes, at 5 vessels ang naapektuhan sa Barcelona at Manta-angan Port. Sa Southern Tagalog, 119 katao, 45 cargoes, at 15 vessels ang na-stranded sa mga pantalan gaya ng Lucena, Romblon, at Real, habang 14 vessels ang pansamantalang sumilong.
Sa Western Visayas, 495 katao at 32 cargoes ang na-stranded sa Arastre, Manoc-Manoc, at Caticlan Port, habang 2 vessels ang pansamantalang sumilong. Sa kabuuan, 24 pantalan sa limang rehiyon ang naapektuhan, kung saan 1,869 katao, 761 cargoes, at 30 vessels ang na-stranded, habang 23 vessels at 4 motorbancas ang pansamantalang sumilong.
















