-- Advertisements --

Nagawa ng Bureau of Immigrations (BI) na maipa-deport ang mahigit 1,000 dayuhang mangagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa unang bahagi ng 2025.

Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, nagawa ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng minadaling proseso ng deportation sa mga naarestong dayuhan sa tulong na rin ng iba pang ahensiya tulad ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Mas marami pa aniya ang nakatakdang mai-deport sa nalalabing bahagi ng taon habang nagpapatuloy ang malawakang crackdown laban sa mga POGO Operations sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Mayroon ding 800 hanggang 1,000 dayuhang POGO Worker na nasa iba’t-ibang detention facility ang kasalukuyang naghihintay ng deportation order.

Maalalang naglaan ang Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) ng hanggang P50 million na pondo para magamit sa malawakang deportation na ginagawa ng gobiyerno laban sa mga dayuhang POGO worker.

Ayon kay Sandoval, magiging malaking tulong ito sa BI upang matugunan ang malaking gastos sa pagpapadeport sa mga dayuhan kung saan ilan aniya sa kanila ay wala ring kapasidad para tustusan ang kanilang gastusin.

Giit ni Sandoval, habang nagpapatuloy ang malawakang crackdown ng gobiyerno ng Pilipinas sa mga POGO hub ay magpapatuloy din ang gagawing deportation sa mga dayuhang mangagawa pabalik sa kani-kanilang mga bansa.

Nangunguna pa rin ang mga Chinese sa may pinakamaraming bilang ng mga napa-deport, batay sa BI record.