-- Advertisements --

Naipasakamay na ng mga prosecutor ng International Criminal Court (ICC) ang mahigit 1,300 piraso ng ebidensiya sa kampo ni dating Pangulong Duterte sa nakalipas na pitong buwan noong nakalipas na taon.

Base sa dokumentong may petsang Disyembre 24, 2025, na isinapubliko lamang ngayong linggo, ipinaalam ng Office of the Prosecutor sa Pre-Trial Chamber (PTC) I na kabuuang 1,303 piraso ng ebidensiya na ang kanilang nai-disclose sa depensa mula Hulyo 7 hanggang Disyembre 18.

Nasa 906 dito ang itinuring bilang incriminating, 389 ang ikinategorya bilang “rule 77 evidence” na maaaring inspeksiyunin ng depensa at ang natitirang walo ay iniuri bilang “PEXO” o potentially exonerating.

Bagamat hindi na idinetalye pa ang mga ito dahil sa confidentiality ng mga ito, ipinaliwanag ng Office of the Prosecutor na kabilang sa incriminating evidence ay ang mga insidente ng pagpatay sa kasagsagan ng barangay clearance operations gayundin ang mga pagpatay sa malalaking targets sa kasagsagan ng panunungkulan ni Duterte bilang Pangulo ng Pilipinas.

Ang naturang dokumento ay pirmado ni ICC Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang.

Samantala, ang batch ng mga ebidensiyang inilabas matapos ang Hulyo 1 ay hindi gagamitin sa mga pagdinig para sa pagkumpirma ng kaso laban kay Duterte, na itatakda pa lamang ang petsa kung kelan ito idaraos matapos ipagpaliban mula sa orihinal na petsa noong Setyembre 23, 2025.