CAGAYAN DE ORO CITY – Pinaaatras ni incumbent Vice-Governor Jigjag Pelaez ang kanyang nakakatandang kapatid na kapareho niyang tumatakbo sa pagka-bise gobernador ng Misamis Oriental sa 2022 elections.
Ito ay matapos itinuloy ng kanyang kapatid na dati ring bise gobernador ng lalawigan na si Joey Pelaez ang kanyang kandidatura kahit magkabangga sila sa iisang posisyon.
Sinabi sa Bombo Radyo ng incumbent vice governor na bagamat alam nito na mabuti rin ang itensyon ng kanyang kapatid na makapaglingkod muli sa bayan subalit sana ay hinihintay na lang muna siyang matapos ang termino.
Inihayag ng nakababatang Pelaez na bagamat hindi nito nakalimutan ang naitulong ng kanyang kapatid sa kanyang kandidatura noon subalit mas makabubuti sana na mag-withdraw na ito para maiwasan na mababawasan ang makukuha nitong mga boto.
Si Jigjag ay balik kaalyado ni incumbent Misamis Oriental Gov. Bambi Emano na tatakbo naman bilang congressman para sa segundo distrito habang si Gingoog City Vice Mayor Pedro Unabia ang papalit sa kanyang iiwan na posisyon.
Magugunitang ang magkapatid na Pelaez ay ilan lang sa mga direktang apo ni yumaong Philippine Vice President Emmanuel “Maning” Pelaez na nanungkulan sa bansa sa kasagsagan ng dekada ’60.