Hinimok ng Department of Justice ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na kanilang isauli ang anumang mga nakuhang pera sa pagkakasangkot sa maanomalyang ‘flood control projects’.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, nararapat lamang raw na kanila itong ibalik sa estado hinggil sa isyu.
Aniya’y ang hakbang na ito ay siyang unang kondisyon para makunsidera bilang ‘state witness’ kaugnay sa pagkakasangkot sa naturang kontrobersiya.
Maalala kasi na kasabay ng kaliwa’t kanan imbestigasyon, partikular sa naganap na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay hiniling ng mga ito na mapasailalim sa ‘witness protection program’.
Kaya’t binigyang diin ng kasalukuyang kalihim na ang pagbabalik ng umano’y mga nakuhang pera ay siyang paraan pagpapakita ng intensyon maging testigo para sa pamahalaan.
Ngunit ayon naman kay Justice Secretary Remulla, hindi pa aniya nakakausap o lumapit ang mag-asawang Discaya sa kanya o sa kagawaran.
“Unang-una hindi ko pa sila nakakausap diba, pero ang first principle gagamitin natin dito eh kung meron silang nakukuhang pera hindi dapat, isauli nila sa republika. Yun naman ang first condition natinagi,” ani Sec. Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.
“You don’t walk off laughing at the system because you enriched yourself and got away with the crime. Hindi dito, you give it back to the state where it rightfully belongs before you could even be considered for immunity,” dagdag pa ni Sec. Remulla ng DOJ.
Samantala, bagama’t nais nitong ibalik ng mga Discaya ang anumang perang nakuha kung mayroon man, aniya’y dadaan pa rin ito sa masusing pag-aaral.
Giit kasi ni Secretary Remulla na hindi lamang ito basta-basta sapagkat isasailalim ang naturang proseso sa forensic accounting analysis.
Binubuo at gagamitin aniya ang Anti-Graft Unit ng National Bureau of Investigation para pangunahan ang imbestigasyon.
Kaya’t dagdag pa ni Justice Secretary Remulla, layon sa imbestigasyon na pagtuunan ng pansin ang ‘money trail’ para mabigyan linaw kung may katotohanan ang mga ibabahaging testimonya.