-- Advertisements --

Hiniling ng Commission on Elections (COMELEC) sa pagdinig ng House Committee on Appropriations na maibalik ang mahigit 6B na natapyas sa kanilang inisyal na pondo para sa susunod na taon.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, nasa mahigit 11B lamang ang nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) para sa komisyon, kumpara sa kanilang orihinal na panukalang 18B na isinumite sa Department of Budget and Management (DBM).

Paliwanag ni Garcia, malaking bahagi ng nabawas na pondo ay nakalaan sana para sa honoraria ng mga guro na magsisilbing electoral board members sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Nobyembre 2026.

Dagdag pa niya, tinatayang aabot sa mahigit 100M ang bilang ng mga botante dahil sa malawakang voters registration na isasagawa, dahilan upang kailanganin din ang mas maraming presinto at dagdag na guro na tutulong sa halalan. Aniya, nasa mahigit-kumulang 9B ang kinakailangang pondo upang maipatupad nang maayos ang BSKE.

Samantala, tiniyak naman ni Committee on Appropriations Chair Mikaela Suansing na kanilang titignan ang mga mungkahing amyenda kaugnay ng pondo ng COMELEC upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan sa 2026.