-- Advertisements --

Naniniwala ang constitutional law expert na si Atty. Egon Cayosa na maaari nang sampahan kaagad ng patong-patong na kaso ang mga natukoy na sangkot sa mga ghost project, kahit hindi pa tapos ang pagdinig ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Ayon sa abogado, marami nang inamin ang ilang opisyal sa serye ng pagdinig at maaari nang gamitin ang mga ito bilang ebidensiya sa korte.

Kabilang sa mga maaari aniyang sampahan ng kaso ay ang mga project engineer at iba pang pumirma sa mga naturang proyekto at mga contractor.

Kampante ang dating Integrated Bar of the Philippines president na sapat na ang mga nalikom na ebidensiya upang makabuo ng patong-patong na kaso, kahit nagpapatuloy pa rin ang pagdinig ng Kongreso.

Hindi dapat ‘malula’ aniya ang publiko sa nangyayaring pagdinig sa dalawang kapulungan dahil ito ay kapwa ‘in aid of legislation’ lamang o gagamitin para sa pagbuo o paggawa ng batas.

Sa kasalukuyan ay mas mahalaga aniya na makapaghain na ng kaso ang Department of Justice laban sa lahat ng mga sangkot.

Maaari na rin aniyang gumawa ang executive department ng summary administrative proceedings upang tuluyang ipatanggal ang mga government official na sangkot sa malawakang anomalya.

Dito ay hindi aniya kailangan ng ‘proof beyond reasonable doubt’, di tulad sa mga criminal case.

Batay sa nauna nang lumabas na impormasyon, maaari aniyang maharap ang mga ito sa kasong plunder dahil lumilitaw na mahigit P50 million ang nakukulimbat na pera habang malinaw ding may scheme o sistemang nangyayari para makapagbulsa ng malalaking halaga ng pera mula sa pondo ng gobierno.

Dapat din aniyang bilisan ng DOJ ang paghahain ng kaso upang hindi muling matabunan ang malawakang korupsyon sa ilalim ng mga itinatayong flood control infrastructure sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.