Na-freeze na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang tinatayang ₱21.2 bilyong halaga ng mga asset o ari-arian kaugnay ng imbestigasyon sa maanomaliyang flood control projects, ayon sa Bureau of Customs (BOC).
Ayon kay Customs Deputy Chief of Staff Chris Bendijo, kabilang sa mga na-freeze ang bank accounts, e-wallets, insurance policies, mga sasakyan at air assets.
Nanawagan naman si Independent Commission for Infrastructure special adviser Rodolfo Azurin Jr., sa publiko na makipagtulungan upang mapabilis ang asset recovery, at iginiit na may malinaw na commitment ang mga ahensya ng gobyerno sa imbestigasyon.
Inihayag din ni Azurin na isang pribadong indibidwal ang kusang nagbigay ng impormasyon tungkol sa mga luxury vehicles na umano’y konektado kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co. Nilinaw niyang hindi miyembro ng ICI, pulis, o militar ang source, at hindi isinapubliko ang pagkakakilanlan nito para na rin sa privacy.
Samantala, nagsagawa na ng unang asset recovery meeting para sa 2026 ang ICI na pinangunahan ni Atty. Renato Paraiso ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center. Wala naman sa pulong si ICI Chairman Andres Reyes dahil hindi umano maganda ang kaniyang pakiramdam.
















