Ibinunyag ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na tatlo sa top 15 project contractors na nabanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kabilang umano sa mga nagbigay ng donasyon sa kampanya ng ilang kandidato noong 2022 elections.
Ayon kay Garcia, ang tatlong kumpanyang ito—na hindi pa pinapangalanan—ay kasama sa listahan ng 31 contractors na kasalukuyang iniimbestigahan ng COMELEC katuwang ang kanilang Political Finance and Affairs Department (PFAD).
Ani pa ni Garcia, kasama na rin sa kanilang mga iimbestigahan ang mga service contractors at hindi lamang magpopokus sa private o government contractors.
Samantala, dagdag pa ni Garcia, ipapadala ng poll body ang naturang listahan kasama ang kanilang mga inisyal na imbestigasyon sa Kamara bilang bahagi ng kanilang isinasagawang pagbusisi upang matiyak ang transparency at integridad sa mga proyekto at kontrata ng pamahalaan.
Aniya, kasama sa dokumentong ito ang halaga ng ibinigay ng kontratista sa kandidato at sinong mga kandidato ang binigyang pondo.
Matatandaang isiniwalat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na ang 100B mula sa kabuuan 545B na pondo para sa flood mitigation projects noong Hulyo 2022 hangga Mayo 2025 ay na-award lamang sa 15 na contractors mula sa 2,409 accredited contractors.
Kasama sa 15 na ito ang kumpanya ni Lawrence Lubiano na Centerways Construction and Development, Inc na nakumpirmang nag-donate ng 30M para sa pangangampanya ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero noong 2022 elections.