Naglabas ng ebidensya si Senate President Pro Tempore Ping Lacson laban sa isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y nag-alok ng maagang budget insertions para sa 2026 National Expenditure Program (NEP).
Sa kanyang privilege speech, ipinakita ni Lacson ang screenshot ng isang mensahe mula kay DPWH Undersecretary Ma. Catalina Cabral na ipinadala kay Senate President Vicente Sotto III ilang araw matapos itong manalo sa senatorial elections noong Mayo.
Ayon kay Lacson, ang mensahe ay naglalayong manghingi ng mga proyektong maaaring maisama sa National Expenditure Program, ngunit agad itong tinanggihan ni Sotto.
Batay sa screenshot, tinanong umano ni Cabral kung may priority projects si Sotto para sa “vetting” upang maiwasan ang redundancy, overlap, at masigurong tugma sa national priorities at local project menu.
Binigyang-diin ni Lacson na inilabas niya ang ebidensya matapos umanong itanggi ni Cabral sa bagong kalihim ng DPWH na si Vince Dizon ang kanyang papel sa usapin.
Binanatan din ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa umano’y “amnesia” sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga isyu ng ghost projects, geotagging, at overhead expenses.
Ayon kay Cayetano, malinaw na sumasalungat ito sa nauna nang pahayag ni Cabral sa Blue Ribbon hearing noong Agosto 27 kung saan itinanggi nitong may alam siya hinggil sa usapin.
Dagdag pa ng senador, lumalabas sa mensahe na nagkakaroon na ng insertion kahit nasa proseso pa lamang ang DPWH ng paggawa ng NEP, at hindi lamang sa bicameral meetings ng Kongreso.