Ipinaliwanag ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia ang dahilan kung bakit nakapasok ang St. Timothy Construction bilang bahagi ng Miru Joint Venture sa kabila ng mga ulat na ito ay may mga dummy incorporators.
Matatandaan na isa sa mga pangalan na naiugnay sa St. Timothy Construction ay si Sarah Discaya, isang dating kandidato sa pagka-alkalde ng Pasig City. Maliban dito, konektado rin umano siya sa isa pang kompanya—ang St. Gerard Construction.
Dahil dito, muling nabuhay ang mga usapin hinggil sa integridad ng mga kumpanyang nakikilahok sa malalaking proyekto at joint ventures. Iginiit ni Garcia na tungkulin ng COMELEC na tiyakin na ang lahat ng kalahok ay sumusunod sa umiiral na mga regulasyon at hindi ginagamit ang mga dummy incorporators upang makalusot sa mga umiiral na limitasyon ng batas.
Dagdag pa ng opisyal, patuloy na susuriin ng komisyon ang naturang mga kumpanya at joint ventures upang matiyak na walang anomalya at mapanatili ang tiwala ng publiko sa proseso. Aniya, kung kinakailangan, maaaring magsagawa ng masusing imbestigasyon upang alamin kung may nilabag na probisyon sa ilalim ng batas.
Paglilinaw din ni Garcia na sa bagong batas ng procurement law para sa COMELEC, required ng kunin na mga election technology supplier ay may karanasan na sa mga halalan. Kaya naman matitiyak talaga ng poll body na hindi basta-basta ang kanilang kinukuha na mga supplier.
Sa kasalukuyan wala ng ugnayan ang St. Timothy Construction at St. Gerard Construction sa Miru Joint Venture, ang election service provider ng COMELEC sa katatapos lamang na 2025 National and Local Elections.