-- Advertisements --

Nagpakawala ngayon ang Magat Dam sa Ramon, Isabela ng tubig bilang bahagi ng safety precaution sa gitna na rin ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon.

Dakong alas-2:00 ng hapon nang buksan ng pamunuan ng dam ang spillway gate at nagpakawala ng 200 cubic meters o katumbas ng libong drum ng tubig kada segundo.

Ayon sa Magat Dam management, ang hakbang na ito ay para tiyaking ligtas ang dam.

Nasa 188 meters na kasi ang lalim nito habang ang spilling level ay nasa 190-meter.

Hindi pa matiyak ng pamunuan ng dam kung hanggang kailan sila magpapakawala dahil depende pa ito sa sitwasyon ng panahon sa lugar.

Samantala, mula sa Magat Dam, dadaan naman ang tubig sa mini-hydro power plants bago pakawalan sa mga irrigation canals at sa Magat River.

Nagpaalala naman ang Magat Dam management sa mga residente malapit sa ilog na siguruhing maging ligtas at iwasan muna ang pangingisda at ano mang aktibidad sa ilog.

Umaagos ang Magat River sa mga bayan ng Ramon, San Mateo, Aurora, Cabatuan, Luna, Burgos, Reina Mercedes, Naguilian at Gamu, Isabela.